Labing-limang taon na ang lumipas mula nang paslangin si Dr. Leonardo Legaspi Co ng 19th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines habang nagsasagawa sila ng kaniyang grupo ng siyentipikong pag-aaral sa kagubatan ng Kananga, Leyte. Kasama sa mga nasawi ay ang empleyado ng Energy Development Corporation na si Sofronio Cortez at ang magsasakang si Julio Borromeo. Samantalang sugatan ang kanilang mga kasamang sina Ronino Gibe at Policarpio Balute. Sa halip na protektahan sila, sila’y pinagkamalan. Isang krimen na hanggang ngayon ay pilit pang tinatakpan at pinalalampas ng estado.
Si Dr. Co ay hindi kalaban ng bayan. Siya ay isang botanistang nag-alay ng buong buhay para sa kalikasan. Isang mahusay na anak ng UP Diliman na may pambihirang talino at malasakit. Kabisado niya ang pangalan ng libo-libong halaman sa Ingles, Tagalog, at mga wikang katutubo dahil mahalaga sa kanya ang bawat buhay sa kagubatan. Mahigit 10,000 species ang kanyang sinuri, walo sa mga ito ay siya mismo ang nakadiskubre. Isa pa rito ang Rafflesia leonardi, ang dambuhalang bulaklak na ipinangalan sa kanya bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa agham at kalikasan.
Nilakad niya ang bawat gubat upang labanan ang pagkasira ng ating kalikasan mula sa pagmimina hanggang sa ilegal na pagtotroso.
Isang siyentistang ang tanging sandata ay pananaliksik. Ngunit sa gubat din siya pinatahimik — hindi bilang biktima ng kalikasan, kundi biktima ng karahasang pinahihintulutan mismo ng gobyerno.
Labinlimang taon na.
Wala pa ring hustisya.
Wala pa ring nananagot.
Wala pa ring katotohanang inilalantad.
At habang patuloy na tinuturing ng estado na kalaban ang mga nagmamahal sa bayan at kalikasan — patuloy nating iwawagayway ang katotohanan na ang tunay na nagtatanggol ng bayan ay hindi armado. Ang tunay na panganib ay ang sistemang pumapatay at tumatahimik.
Kasama ang mga nagluluksa, lumalaban, at nananawagan ng hustisya — ang UP Tacloban Student Council ay naninindigan:
Hindi tayo matatakot.
Hindi tayo mananahimik.
Hindi tayo papayag na mabaon sa limot ang kanyang alaala.
Ngayong ika-15 taon ng panawagan para sa hustisya, ipinapaalala natin sa estado:
𝐇𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚’𝐭 𝐦𝐚𝐲 𝐛𝐮𝐡𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐡𝐚𝐧𝐝𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐚𝐧𝐢𝐧𝐝𝐢𝐠𝐚𝐧 — 𝐦𝐚𝐧𝐚𝐧𝐚𝐠𝐨𝐭 𝐚𝐧𝐠 𝐝𝐚𝐩𝐚𝐭 𝐦𝐚𝐧𝐚𝐠𝐨𝐭.
𝐇𝐮𝐬𝐭𝐢𝐬𝐲𝐚 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐤𝐚𝐲 𝐃𝐫. 𝐋𝐞𝐨𝐧𝐚𝐫𝐝𝐨 𝐂𝐨.
𝐇𝐮𝐬𝐭𝐢𝐬𝐲𝐚 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐭𝐚𝐠𝐚𝐩𝐚𝐠𝐭𝐚𝐧𝐠𝐠𝐨𝐥 𝐧𝐠 𝐤𝐚𝐥𝐢𝐤𝐚𝐬𝐚𝐧!


