
Mabuhay! Mula kay Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining: AKTIBISMONG NASYONALISTA, na unang lumabas sa pahayagang Filipino Ngayon, sa loob ng kanyang kolum na Sarì-Samot!
AKTIBISMONG NASYONALISTA
ni Virgilio Almario
NITÓNG NAKARAANG HUWEBES, Hunyo 11, binuksan sa Yuchengco Museum ang ekhibit na Pasts Revisited, isang handog ng Constantino Foundation sa alaala ng mag-asawang Renato at Letizia Constantino.
Siyempre, naroon si Red, ang tagapangasiwa ng foundation, at mga pamilya nina Karina at RC, dalawang anak ng mag-asawang historyan para magbukás ng exhibit. Naroon din ang mga tagahanga, estudyante, at kaibigan nina Tato at Letty. Naroon siyempre ang magandang curator ng museo, si Jeannie Javellosa, at nag-aanyaya ng mga exhibit ng writers at artists.
Napakaganda ng exhibit. Tasteful, narinig kong puna ng anak kong si Ani. Hindi sumisigaw. May mga reproduksiyon ng liham nina Tato at Letty sa isa’t isa upang patunayan ang kanilang dalisay na pag-ibig sa isa’t isa at ang pagtutulungan sa paglikha ng kasaysayan. Gayundin ang mga koleksiyon ng sinulat ni Tato at reproduksiyon ng kaniyang mga pahayag ng pananalig na makabayan at kontra-kolonyalista. Pati ang panel tungkol sa papel ng kababaihan sa kasaysayan, mula kay Gregoria de Jesus, hanggang kay Lorena Barros, ay nakatampok sa kanilang makasaysayang papel sa naging kilusang historikal sa Filipinas. May mga painting naman nina NA Manansala at Malang na bunga ng kanilang pagkakaibigan noong kabataan palang nila. May kuwento si Red na bigay lang ang mga painting ni NA Manansala kapalit ng pipa ni Tato.
Siyempre, hinangaan ko ang mga pahayag ni Tato tungkol sa misedukasyon ng mga Filipino, ang mito ng amerikanisasyon, ang mahinàng pag-intindi kina Rizal at Bonifacio, atbp. Ang aktibismong nasyonalista ni Tato ay niliwanag pa ni Princess Nemenzo sa kaniyang maikling salita. Hindi ito tulad ng nasyonalismo sa Europa na nauwi sa pasismo nina Hitler at Mussolini. Sa halip ito ay isang aktibismo na nakabatay sa kasaysayan ng Filipinas, laban sa matatandang kaisipang humahadlang sa kaunlaran ng bansa, at nagdudulot ng positibong bagong kaisipan para sa pagbabago.
Lahat ng kaisipan ni Tato ay batay sa matalik na pagsuri sa historya ng bansa. Para sa kaniya, liliwanag ang mga baluktot at dilim ng kasalukuyan kung may masusing pagmuni at pag-aaral sa nakalipas. Sa ganito posibleng magpundar ng mas magandang hakà para sa hinaharap.
PAHABOL SA WATAWAT NG FERNDALE. Noong Biyernes, Hunyo 12, pagkaraang lumabas ang FB ko tungkol sa mga Watawat ng Komunidad ay dinaanan ako ni Justice Ramon para ipagmalaki na may watawat na ring sabit ang kaniyang bahay. Sabi ko una pa si Ramon Jr. at si No. 1 Myrtle. Bukod sa No. 1 Birch, may sabit na rin sina Marius at Ellen sa Cypress. Sa harap ng admin, uulitin ko ang NO. 1, 2,3 at katabi ni Cong. Kit. Sa Banyan, ang gara ng sabit ni kabayan Larry at ni Mher. Sa Hickory, may pahabol si Richard, at sa Willow, nag-iisa pa rin si Teng. Sa Basswood, may flag na si No. 6 at si direktor. At sa Walnut, humabol ang bandila ni Dr. Villena, at ni E Boy, hanggang sa tagadulo ng street. Sa Butternut, may magarang sabit sa gitna ng street si No. 12. Sa Sycamore Loop, uulitin ko ang kumpol ng sabit nina No. 66, 60, at 68, sa may gitna nina No. 51 at 37 at sa kabilâng dulo nina No. 25 at 21. Sa harap ng gazebo sina No. 28 at 16. Sa Magnolia Loop, si Atty. Dino ay humabol. Hinihintay ko pa ang pangako si Rene Villanueva, at kapitbahay kong apo ng isang transportasyon gayundin ang pagbabalik ng flag nina Winnie Ong, Bulosan, at Natividad.
At sána, hindi ito pagsasabit para sa Araw ng Kalayàan lang. Ito ang ating handog na kagitingan sa bayan at hindi na maaalis hanggang kumúpas at palitan natin ang mga watawat, at hanggang magwagi ang katarungan at demokrasya sa Filipinas. Pasensiya kung banggitin ko ang inyong pangalan dahil kailangan ko kayong ipagmalaki. Pasensiya rin kung di ko naman mabanggit ang pangalan ng mga tagasubdibisyon na hindi ko pa kilala. Mabuhay ang Watawat Club ng Ferndale Homes.
Ferndale Homes
13 Hunyo 2026
Photos © Giliw/Constantino Foundation.







