Noong Setyembre 15, 1999, pumanaw ang kilalang historyador na si Renato Constantino sa edad na 80. Kabilang siya sa mga humamon sa umiiral na pananaw ng kasaysayan ng Pilipinas at nagtaguyod ng makabayang pananaw dito.
Isinilang siya sa Maynila noong Marso 10, 1919. Habang nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, naging patnugot siya ng Philippine Collegian, ang pahayagang pang-estudyante ng unibersidad. Sa pamamagitan nito, kinondena niya ang kolonyal na rehimen ng Estados Unidos at ang mga mapanupil na ugali ni Pangulong Manuel Quezon.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naglingkod siya bilang isang Private sa Hukbong Katihan ng Pilipinas at kumalap ng impormasyon sa likod ng mga linya ng kaaway. Nang sumuko ang mga puwersa ng USAFFE noong kalagitnaan ng 1942, lumahok siya sa kilusang gerilya sa Maynila. Matapos ang digmaan, lumipat siya mula sa kanyang pag-aaral ng Batas bago ang digmaan patungo sa Bachelor sa Pilosopiya na may pangunahing larangan sa Agham Pampulitika. Mula rito, siya ay naging guro ng agham pampulitika sa kaniyang alma mater habang sumusulat bilang isang kolumnista sa iba’t ibang pahayagan. Nagwakas ito sa kaniyang pagkatalaga bilang diplomat sa bagong tatag na Kagawaran ng Ugnayang Panlabas.
Mula 1946 hanggang 1949, itinalaga siya sa Misyon ng Pilipinas sa United Nations, kung saan siya ay naging Executive Secretary at alternatibong kinatawan sa iba’t ibang lupon ng UN tulad ng General Assembly at ng UN Educational, Scientific, and Cultural Organization. Inilipat siya sa Home Office sa Maynila bilang Tagapayo ng Ugnayang Panlabas mula 1949 hanggang 1951, kasabay nito ang muling pagsisilbi niya bilang guro ng agham pampolitika sa iba’t ibang kolehiyo. Gayunpaman, noong dekada 1950, sa kasagsagan ng tinatawag na Red Scare, siya ay inakusahan na miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas. Dahil dito, tinanggal siya sa kanyang posisyon sa gobyerno at madalas na minatyagan mula sa mga awtoridad ng Estado.
Nakuha niya muli ang kanyang balanse nang siya ay tinanggap bilang isang mananaliksik sa ekonomiya sa Binalbagan-Isabela Sugar Company na pag-aari ng Lopez. Noong panahong ito, nakumbinsi niya si Don Eugenio Lopez Sr. na paunlarin ang kanilang koleksiyong Filipiniana bilang Lopez Memorial Museum, kung saan siya ang naging unang curator mula 1960 hanggang 1972. Naging isa rin siya sa mga estratehista ng kampanya ni Claro M. Recto sa hindi matagumpay na pagtakbo nito sa pagkapangulo noong 1957. Pagkatapos, siya ay muling bumalik sa UP bilang isang Professorial Lecturer sa iba’t ibang departamento ng mga campus nito sa Diliman at Manila.
Ang kanyang mga karanasan sa diplomasya at pangangalaga ay tumulong sa kanya na hubugin ang kanyang mga intelektwal na likha. Kabilang sa mga ito ang The Recto Reader (1965), The Miseducation of the Filipino (1968), Veneration Without Understanding (1969), The Making of a Filipino (1969), Dissent and Counter-Consciousness (1970), Neocolonial Identity and Counter-Consciousness (1978), at ang Nationalist Alternative. (1979). Ang kanyang interes sa kasaysayan ay nagdala sa kanya upang ilathala ang mga napiling dokumento mula sa Philippine Insurgency Records ni J.R.M. Taylor (na ngayon ay Philippine Revolutionary Records) noong 1971, at isulat ang kanyang pinakamahalagang akda, The Philippines: A Past Revisited (1975) at ang kasunod nito na The Philippines: The Continuing Past. (1978, kasama ang asawang si Letizia Roxas-Constantino).
Nang ideklara ang Batas Militar noong 1972, isinailalim siya sa house arrest dahil sa kanyang mga kritisismo laban sa rehimen ni Marcos. Sa kabila nito, nanatili siyang aktibo sa mga kilusang laban sa diktadura sa pamamagitan ng mga gawaing akademiko at pamumuno sa Civil Liberties Union (1972-1975 at 1984-1985). Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsusulat, akademikong gawain, at aktibismo.
Bilang pagkilala sa kanyang mga kontribusyon, tumanggap siya ng honorary Doctor of Laws degree mula sa kanyang alma mater noong 1990. Ang kanyang pangalan ay nakaukit din ng Bantayog ng mga Bayani Foundation sa kanilang Pader ng Pag-alala sa Lungsod Quezon. Matapos ang kanyang kamatayan, ang Foundation for Nationalist Studies, na kanyang itinatag, ay pinalitan ng pangalan na Constantino Foundation.
Mga Sanggunian:
“Activist Renato Constantino Jr. dies at 79.” 2024. Rappler, Abril 5, 2024. https://www.rappler.com/…/activist-renato-constantino…

.

Guiang, Francisco Jayme. 2021. “The Genesis of Partisan Scholarship: Renato Constantino as a public intellectual and nationalist historian, 1950s-1980s.” Social Science Diliman 17(1).
Malay, Carolina S. at Ma. Cristina V. Rodriguez, 2016. Ang Mamatay Nang Dahil Sa Iyo, tomo 2. Maynila: National Historical Commission of the Philippines at Bantayog ng mga Bayani Foundation.
Pineda Ofreneo, Rosalinda. 2001. Renato Constantino: A Life Revisited. Lungsod Quezon: Foundation for Nationalist Studies.
Simbulan, Roland G. 2000. “Renato Constantino: The Centennial Filipino Scholar, 1919-1999.” Journal of Contemporary Asia 3(3). 405-409.
. . .
May saysay ang kasaysayan. Ikalat pa natin:
🖐 I-like at i-follow ang Project Saysay at Project Vinta
🤙 Usap tayo paano pa natin mapapalakas ang public history sa project.saysay@gmail.com