We share here a panelist’s reflection on the historical discussions from recent Pandesal Forum sessions, including those on the Abad Santos family and the Philippine–American Memorial Day, and on the transmission of historical memory across generations.

Eufemio Agbayani III has been a panelist in previous Pandesal Forums but was a guest last Feb. 6 as he accompanied his NHCP colleague Ian Kristoffer Pasion who spoke in the panel.

Below is his full reflection:


Malaking prebilehiyo na maging bahagi ng Pandesal Forum ng Kamuning Bakery Cafe sa nakalipas na dalawang linggo.

Noong Enero 31, ginunita si Pedro Abad Santos sa Pandesal Forum. Nakasama namin nina G. Wilson Lee Flores (may-ari ng Kamuning Bakery) at G. Renato Redentor Constantino (Managing Director ng Constantino Foundation) si Gng. Desiree Ann Cua Benipayo (Vice President for Research and Education ng Philippine World War II Memorial Foundation) na kaanak ni Abad Santos dahil asawa niya ang apo ni Quirino Abad Santos, kapatid nina Pedro at Jose.

Liban sa paninindigan para sa tama at pagsandig sa masa, naging tema ng forum unofficially ang pagpasa ng kamalayang pangkasaysayan sa pamilya. Paano’y sir Red ay apo ng historyador na si Renato Constantino, at sa nasabing forum ay naisama ko ang aking Mama Marivic Agbayani, habang isinama naman ni ma’am Des ang ama niyang si Cua Ching Tam. (Ang isa pang dumalo, si G. June Manuel, ay isinama rin ang kaniyang anak.)
Nabanggit kung paanong madalas kunin/hiramin ni ma’am Des ang mga aklat pangkasaysayan ng kaniyang ama. Kaya kahit topnothcer siya sa Nutiritionist-Dietition board exams noong 1994, hinatak pa rin siya ng tadhana pabalik sa kasaysayan.
Kanina naman, audience ako sa Pandesal Forum para sa Philippine-American War Memorial Day. Ang naging kinatawan ng NHCP ay si Kuya Kristoffer Pasion aka Indio Historian. Kasama niya sa panel sina Doc Xiao Chua at G. Joe Zaldarriaga. Kilala lang natin si Manong Joe bilang taga-anunsyo ng pagtaas ng singil sa kuryente at power interruption, pero siya pala ay kaanak din ng mga Abad Santos.
Ang lolo niya sa tuhod ay si Isabelo del Rosario. Kilala bilang “Kapitan Bikong”, lumaban siya sa mga Espanyol at Amerikano. Habang nakapiit, sinakal niya ang isang sundalong Amerikano na laging binubugbog at inaabuso ang mga kapwang bihag na Pilipino. Dahil dito, sinentensiyahan siyang mamatay. Bago siya bigtiin, tumugtog siya ng biyolin at nang matapos, winasak niya ito upang hindi magamit ng mga kaaway. Naulila niya si Emilia Abad Santos, kapatid nina Pedro at Jose.
Ang anak ni Kapitan Bikong na si Agapito Abad Santos del Rosario ay lolo ni sir Joe. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tumanggi siyang makipagtulungan sa mga Hapon, kaya dinakip siya at pinatay nila. Sa halip na magmukmok, pinili ng asawa niyang si Felicidad Nuguid Sicangco na lumaban kasama ang Hukbalahap. Nakilala siya bilang si Kumander Sisa at naging mataas na opisyal. Matapos ang digmaan, bumalik siya sa buhay sibilyan at naging negosyante.
Sino-sino pa kaya sa atin ang may ganitong kuwento ng kabayanihan na nananalaytay mula sa mga ninuno hanggang ngayon? At gaano kaya karaming kuwento ang nalimot na dahil hindi naipasa ng mga matatanda sa mga bata?
Maraming salamat sa Kamuning Bakery Cafe sa pagiging pook ng paggunita at sa oportunidad na ibahagi ang mga limot na bahagi ng kasaysayan sa madla sa pamamagitan ng mga alagad ng midya. Maraming salamat din sa masarap na pandesal, bangsilog, sisigsilog at tikoy. Nawa patuloy po tayong magtulungan na ilapit ang kasaysayan sa madla sa mga salita at sa masarap na pagkain.
Mabuhay!