(Alay sa mapanuring diwa ng mga makabayang historyador na sina Renato at Letizia Constantino. Ang eksibit tungkol sa kanilang buhay at kaisipan sa Yuchengco Museum ay bukas hanggang Hulyo 31.)

May mga pangarap na isinilang upang lumipad, Ngunit itinurong gumapang sa sariling bakuran. Kaya’t muli nating itanong— Bakit wala pa ang Pilipinas sa World Cup?

Bakit hanggang ngayon, wari’y mailap ang pangarap? Bakit sa basketbol lamang halos umiikot ang gunita, Samantalang napakalawak ng mundo at pag-asa, At napakaraming landas tungo sa tagumpay?

Hindi kasalanan ng basketbol—marangal ang laro. Ngunit bakit iisa lamang ang ating pinupunlang turo? Kapag iisang binhi lamang ang ating dinidiligan, Paano uusbong ang iba pang halamang kailangan?

Marahil may anino pa ng lumang kaisipan; Humanga bago magsuri, sumunod bago lumaban. Gumaya bago lumikha—iyan ang lumang aral; Kaya madalas ang pangarap ay nauuwi na lamang sa dasal.

Para tayong nagtatanim ng punla sa lilim na walang sinag, Saka nagtatakang bakit hindi sumisibol ang pangarap. Parang agilang ikinulong sa munting hawla, Saka umaasang hahalik sa ulap ang kanyang paglipad.

Hindi tangkad ang sukatan ng tunay na kakayahan; Kundi talino, tiyaga, tibay, at paninindigan. Pinatunayan nina Messi at Maradona sa daigdig: Mas mataas ang pangarap kaysa sukat ng katawan at tindig.

Habang maingay ang pulitika sa walang katapusang bangayan, Tahimik namang nalalanta ang batang may kakayahan. Kaya magtayo ng mga palaruan para sa football sa bawat pamayanan, At bigyan ng pagkakataon ang bawat kabataang may pangarap at laban.

Gising, Pilipinas! Ang tunay na kalaban ay hindi basketbol o football, Kundi isipang bihag ng takot at kolonyal na kulungan. Palayain ang isipan, palawakin ang tanawin; Palawakin ang tanawin, pagyamanin ang gawain. Pagyamanin ang gawain, pasiglahin ang pamayanan; Pasiglahin ang pamayanan, paunlarin ang sambayanan.

At kapag naputol ang tanikala ng kolonyal na isipan, Hindi lamang watawat ang ating maitataas, kundi karangalan. Hindi lamang World Cup ang ating mararating balang araw, Kundi pag-asang matagal nang naghihintay ng liwayway. Hindi lamang magiging saksi sa kasaysayan, Kundi magiging may-akda ng kinabukasan.

Hindi lamang manghihiram ng mga alamat, Kundi lilikha ng sariling alamat at kabayanihan. At kapag malaya na ang isip at matatag ang paninindigan, Maging sa football man o sa anumang larangan, Mananalo ang Pilipinas—hindi lamang sa paligsahan, Kundi sa paghubog ng isang bayang marunong mangarap at lumaban. Sapagkat ang unang tagumpay ng isang bansa ay hindi tropeo— Kundi ang paglaya ng isip ng sambayanan.