TINGNAN | Gaya ng kagubatan, nananatiling buhay si Leonard
Ito ang diwa ng pagtitipon para sa paggunita ng ika-15 taong pagpaslang kay Leonard L. Co, isang botanist at mananaliksik, Nob. 15, sa UP Institute of Biology.
Sa pangunguna ng Constantino Foundation, pinasinayaan ngayong araw ang digitized na koleksiyon ng mga retrato ng iba’t ibang halaman na dinokumento ni Co sa mga nalalabing taon bago siya pinatay ng mga elemento ng militar habang nasa fieldwork sa Kananga, Leyte noong 2010.
Ang koleksiyon ay kasalukuyang sinisinop at inaasahang maipapasa sa UP Data Commons upang isang maging malayang rekurso tungkol sa katutubong flora dito sa bansa.
Inanunsiyo rin sa pagtitipon ang paglilimbag ng ikaapat na edisyon ng “Philippine Native Trees,” isang koleksiyon ng mga katutubong puno ng Pilipinas, at ang “Ang Natatanging Ngaratngat,” isang kuwentong pambata tungkol sa buhay ni Co bilang siyentista ng bayan.
Dinaluhan ang okasyon ng mag-ina ni Leonard na sina Glenda at Linnaea. /Jeoff Larua






