Mensahe sa Pasinaya sa Exhibit ng Alas ng Bayan 2. O

Tandang Sora Women’s Museum

Oktubre 15, 2025

Makasaysayan ang buwan ng Oktubre sa maraming dahilan. Para sa akin dalawa ang may katuturan sa hapong ito:

Sa Oktubre 28 ay 42 taong anibersaryo ng Filipino Women’s Day of Protest noong 1983 para manawagang wakasan na ang diktadurang Marcos, sarhan ang Bataan Nuclear Power Plant at palayain ang mga bilanggong pulitikal.

Oktubre 15, ngayong araw, ay Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan o International Rural Women’s Day. Binibigyang halaga nito ang papel ng kababaihang magbubukid sa produksyon sa agrikultura laluna ang pagkain habang dinadanas nito mabigat na pasanin ng gawaing bahay at pag-aruga sa pamilya. Mahalagang bahagi sila sa pakikibaka ng masang magbubukid para sa tunay na repormang agraryo.

Narito tayo ngayon sa tanging museo ng kababaihan sa buong Pilipinas para bigyang pugay ang limang kababaihang Pilipina na naging bahagi sa paglikha sa kasaysayan: Gregoria de Jesus, Apolonia Catra, Remedios Gomez-Paraiso, Lorena Barros, at Gloria Capitan.

Kinakatawan nila ang pagtindig ng kababaihang Pilipino sa iba’t ibang panahon: laban sa kolonyalismong Espanyol, laban sa imperyalismong Amerikano at sa imperyalismong Hapon, laban sa diktadurang Marcos at laban sa mga batas at programang nakasisira sa lupa at kapaligiran.

Sa lima, kontemporaryo ko si Lorena Barros, Tagapangulong Nagtatag sa Makibaka, nakasama sa bilangguan sa Fort Bonifacio bilang mga bilanggong pulitikal at sabay na tumakas sa maulang gabi ng Nob 1, 1974.

Kung buhay pa sila, kung buhay pa si Tandang Sora hindi sila ituturing ng mga nasa kapangyarihan na mga alas ng bayan , na mga nagmamahal pa sa bayan kundi mared tag at mabansagang mga terorista. Pero ang kasaysayan mismo ang maghuhusga, tulad ng pagbibigay pugay ng exhibit na ito sa Limang Alas ng bayan, na hindi krimen ang paging makabayan at ang magmahal sa bayan.

Magwawakas ako sa pagbigay pugay sa mga Alas ng Bayan at sa lahat ng kababaihang Pilipino na naninindigan sa hustisya, pananagutan at kalayaan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng titik ng awit na MITHI ng Sining Lila ng Gabriela:

( https://youtu.be/LICrXwlE1dU?si=Xjc504VE9t2lrKp6)

Bawat pangarap ay sampagita

Na ginagawang kwintas

Bawat mithi ay hinahabi

Balabal ng paglaya

Halina kapatid, kabaro, kasama Ngayon ang panahon ng

pagtindig

Kakamtim halimuyak ng bukas

Panatag na dulot

ng malayang daigdig

ng malayang daigdig

Maraming salamat Rio Constantino (curator) Billy Pangilinan (illustrator)

Constantino Foundation, 350 Pilipinas at Quezon City Department of Tourism sa pag-organisa at pagsponsor ng exhibit.

Mapupuntahan ang Alas ng Bayan 2.0 sa Tandang Sora Women’s Museum sa Banlat, Quezon City, simula October 16 hanggang November 23, 2025, 9:00 AM – 4:00 PM, Martes hanggang Linggo. Libre ang entrance.

Para sa pagsalarawan sa pasinaya kahapon at maraming mga kuha sa exhibit puntahan ang post ng Quezon City government:

https://www.facebook.com/share/177MU1eX2x/