Dalawa ang iniingatan kong memorabilia ni Leonardo L. Co: isang drawing, at ang ilang bahagi ng kanyang manuscript tungkol sa Traditional Chinese Materia Medica, at Xingwei—the Traditional Concepts of Drug Nature in Chinese Medicine.
Si Leonard ang isa sa pinakamahusay nating botanist, nangunangunang ethnobotanist, marahil, ang pinakamahusay nating taxonomist. Nakilala ko siya habang nagtatrabaho sa isang NGO, naging kaibigan. Ang drawing at ang manuscript, parehong nasa scratch paper. Ayaw kasi niya na may nasasayang, nanghihinayang siya sa papel. Dahil ang papel ay gawa sa puno, mahal na mahal niya ang ating mga puno at halaman.
Pero hindi lang botanist si Leonard. Sa kanya ko unang narinig ang quote na “specialization is for insects,” na narinig ko rin, sa mas mahabang version mula kay Lean Alejandro kalaunan. At totoong hindi lang botany ang kaniyang interes kundi art, chemistry, literature, astronomy, music, theater, languages. Sa calculus lang yata siya mahina. Matagal bago niya natapos ang kaniyang undergrad dahil sa calculus.
Mas una ko siyang nakapalagayan bilang mambabasa. Siya ang nagpakilala sa akin sa 𝘋𝘰𝘬𝘵𝘳𝘪𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘈𝘯𝘢𝘬-𝘱𝘢𝘸𝘪𝘴 ni Rio Alma. Ipinakilala niya sa akin ang mga akda nina Bienvenido Lumbera at Romulo Sandoval. Dahil sa kanya, binasa ko ang mga kuwento ni Lu Hsun at ang mga tula ni Mao. Nagsusulat siya ng tula, sayang at binaha ang ilang notebook na naglalaman ng kanyang mga tula na bigay sa akin. Mahusay siyang tumugtog ng harmonica, sabi niya, dapat matuto ang isang tao na tumugtog kahit isang musical instrument man lang sa buong buhay niya. Minsan, pagkatapos magpunta sa abroad, bitbit niya ang casette tape ng musical na 𝘓𝘦𝘴 𝘔𝘪𝘴𝘦𝘳𝘢𝘣𝘭𝘦𝘴 na paulit-ulit niyang pinapatugtog at pinaparinig sa akin. Napilitan akong basahin si Alexander Dumas dahil sa kanya.
Nasabi ko na ito dati: ang ang kadakilaan ng tao ay maaaring masukat sa impluwensiya niya sa ibang tao. Dahil kay Leonard, mayroong Palanan Plot sa loob ng Sierra Madre National Park para sa pag-aaral ng forest dynamics at biodiversity. Dahil kay Leonard, di iilang estudyante ang naengganyong mag-aral ng botany, o pangalagaan ang kalikasan, o tingnan kung ano ang hitsura ng Rafflesia leonardi, isa sa mga uri ng Rafflesia na itinuturing na isa sa pinakamalalaking bulaklak sa daigdig.
Dahil kay Leonard, hindi lang ako natutong magbasa at magmahal sa tula. Natutuhan ko ring magbasa ng European history para maintindihan ang 𝘋𝘢𝘴 𝘒𝘢𝘱𝘪𝘵𝘢𝘭 ni Marx; magsukat at tugma sa tula; aralin ang transliteration sa Pin-yin; magbasa ng basic Chinese texts; malaman ang kaibahan ng humba sa patatim; umawit ng Salidummay; matutuhan kung ano sa Ilocano ang pine tree; alamin ang kaibahan ng native sa endemic; mahalin ang mga katutubo nating hayop at halaman—lalo na ang mga halaman na mahal na mahal niya.
Ang pagmamahal na ito ang dahilan kung bakit minapa at inimbentaryo niya ang mga halaman sa mga natitira nating kabundukan, mula Sierra Madre, hanggang sa Visayas. Habang nasa fieldwork sa Kananga, Leyte noong 15 Nobyembre 2010 napatay si Leonard ng mga elemento ng 19th Infantry Batallion. Nawalan tayo hindi lang ng mahusay na botanist, kundi ng isa sa pinakamahusay na Filipino sa siglong ito.
Labinlimang taon na mula nang mapaslang si Leonard. Wala pa ring nanagot sa kanyang pagkamatay. At sa panahong pinasasalamatan natin ang ating mga kabundukan dahil sa pagsangga sa mga dumarating na unos sa bayan, umaasa ako na patuloy tayong mananawagan ng katarungan para kay Leonard, ang bayani na inialay ang buo niyang buhay para sa mga kabundukan, para sa mga halaman, para sa likas na yaman ng ating bayan.

[Kay Bonifacio Pasion ang retrato, via Interaksyon]

