Ni John Iremil Teodoro
GUSTO kong magsulat muli ng mga liham—sulat-kamay sa papel—kagaya ng ginagawa ko noong nasa kolehiyo ako, noong madalang pa ang kompiyuter, at ang cellphone ay pinag-uusapan pa lamang na para bang nasa malayong hinaharap pa ito mangyayari. Ito ang nararamdaman ko kahapon, Setyembre 8, habang pinapanood ko ang exhibit na “Letizia: A Life in Letters” sa Linangan Museum ng Constantino Foundation sa Panay Avenue, Lungsod Quezon.
Noong nakaraang linggo kasi ay nakita sa ilang Facebook post na inilunsad ang 50th year special edition ng librong The Philippines: A Past Revisited ni Renato Constantino ng Constantino Foundation. Hardbound edition pa ito at bilang isang hardbound book addict, hindi ako mapakali hanggat magkaroon ako ng kopya nito. Agad akong nag-message kay Red Constantino, ang managing director ng Constantino Foundation, na pupunta ako sa Linangan Gallery nila sa Panay Avenue sa Quezon City sa darating na Lunes upang bumili ng kopya ko. Naisip ko rin ang standing invitation sa akin ni Red na tingnan ang exhibit ng mga liham ng kaniyang lola.
Masayang-masaya ako at binuksan sa akin ni Red ang kanilang private museum. Super-exclusive museum tour ito na siya ang tour guide at talagang may kasamang lecture pa tungkol sa exhibit. May libreng pamahaw pa ng fresh orange juice, hopia, at banana crackers! Kuwentuhan to the max pa kami tungkol sa mga book project namin at naikuwento ko pa sa kaniya na gusto kong mag-set up ng isang environmental NGO sa Aningalan kapag mag-retire na ako from La Salle. Ilang taon na rin kaming magkaibigan ni Red nang magsimula niyang suportahan ang IYAS La Salle National Writers’ Workshop na ako ang workshop director. Noon pa mang siya pa ang director ng Institute for Climate Change and Sustainable Cities hanggang ngayong nasa Constantino Foundation na siya ng kanilang pamilya. Lagi kong inaabangan ang mga provocation niya, lektura hingil sa kapaligiran, sa IYAS.
Sabi ni Red, silang magkakapatid kasama ng kanilang mga magulang ang nag-conceptualize ng exhibit na ito. Ang kapatid niyang si Karmina Constantino, ang news anchor sa ANC, ang nagsilbing curator. Ang artist naman na si Ohm David ang designer. Mabilis din na idinugtong ni Red na hindi related sa kanila si Ohm. Ang sociologist na manunulat kasi na si Randy David ay bana ng tiya nina Red na si Karina Constantino-David ng Inang Laya na nanay ni Kara David.
Tip of an iceberg lang ang mga liham na kasama sa exhibit. Sabi ni Red, kahon-kahon at libo-libo ang mga liham at talaarawan ang nasa archive ng kanilang lola. Gayunpaman, sa limitadong eksibisyon na ito, masisilip na ang lawak at lalim ng isipan ni Letizia na asawa at co-writer ng historyador na si Renato Constantino. Makikita rin ang kaniyang galing bilang manunulat bukod pa sa ang linis ng kaniyang sulat-kamay na napakadaling basahin.
Naiyak ako sa liham na naka-address sa anak nilang si Renato Constantino, Jr. na mas kilala bilang si RC, na isang aktibista at nasyonalista rin katulad ng kaniyang mga historyador na magulang. Si RC ang tatay nina Red. Ang liham ay may petsang Setyembre 15, 2004, sa ika-60th na birthday ni RC. Heto ang unang talata matapos ng bating panimula na, “My dearest son.”
“Old age is full of minuses: aching bones, failing memory, loss of stamina, bouts of anxiety and despondence, and yes—longing for those who are gone. Of course, I am experiencing all these behind my smiles, my sprightly steps, my image of well-being, even my ‘exciting’ plans for tomorrow.” Naiyak ako habang binabasa ito. Dahil maganda ang pagkasulat. Punô ng kaaram na mula sa isipan ng isang primera klaseng intelektuwal. At bigla kong naalala ang aking ina na matagal nang namayapa.
Ang surprise sa akin ay taga-Capiz pala si Letizia. Isa pala siyang Roxas. Sabi ni Red, magkamag-anak ang lola niya at si President Manuel Roxas na lolo ni Mar Roxas. Kuya ni Manuel ang tatay ni Letizia na si Mamerto na isang huwes. Bigla akong naging super-interested at sabi ko kay Red gusto kong sulatin ang kuwento ng buhay ng kanilang lola! Maganda kasing follow-up project ito sa disertasyon ko na tungkol sa mga babaeng manunulat sa Hiligaynon.
Natuwa naman si Red nang marinig niya ito at kung gagawin ko raw ito, bubuksan nila ang archives ng pamilya para sa akin lalo na ang mga liham at diary ni Letizia.
Ang ganda ng konsepto ng installation art na gawa ng artist na si Ohm David. Ang mga liham na nakaimprenta sa mga piraso ng mga transparent na fiber glass, na mistulang mga papel na inililipad ng hangin. Nakasabit ito sa bubong ng entrance ng museo at sa kisame sa loob. Mga liham na lumilipad at bigla kong naalala ang mga liham na “via airmail” na mas madaling dumating kaysa “ordinary.” Magka-iba ng sobre nito. Puti ang sa ordinary at may stripe na pula sa gilid ang sa airmail. Mga bagay hinggil sa pagpapadala ng sulat sa Post Office noong araw na hindi na alam ng mga kabataan ngayon dahil sa email, text messaging, at mga PM sa mga internet platform tulad Messenger at Viber.
Sa mga nangyayari ngayon sa bansa, magandang balikan ang isang liham ni Letizia na nagpapasalamat sa Philippine Normal University sa pagbibigay ng parangal sa kaniya noong Oktubre 5, 2002 bilang selebrasyon sa International Teachers’ Day. Mayroon siyang inilatag na “three thoughts to ponder on.” “1. The first step in liquidating a people is to erase its memory; 2. Education is not the filling of a pail, but the lighting of a fire; 3. Education should make a people easy to lead, but difficult to drive; easy to govern, but impossible to enslave.”
Grabe! Kung hindi lamang pumanaw si Letizia noong Hunyo 27, 2016, at walang nakalagay na petsa sa liham na ito, iisipin ko, mga panatiko ng mga korap na politiko (Read: DDS, Dutertard, Marcos Loyalist) ang pinatutungkulan niya rito.
Ganito yata talaga kapag punô ng karunungan, ng kaaram, o wisdom, ang isang manunulat na hinubog ng maraming taon ng pagbabasa, pag-iisip, at pagsusulat. Parang laging bago ang mga sinasabi. Hindi naluluma ang mga idea. Nagiging klasiko ang mga akda.
Kayâ sabi ko kay Red, kailangang-kailangan na malathala ang mga liham na ito ni Letizia dahil hindi lamang mga liham ito para sa kaniyang pamilya at kaibigan, liham niya ito sa bayan at sa sangkatauhan.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.