Pambungad na Pananalita
Atoy M. Navarro | UP Manila | 3 Oktubre 2025
Sa ating mga panauhin mula sa Constantino Foundation at Knights of Rizal at sa kaguruan at mga estudyante ng Area Studies Program (ASP), Master of Management (MM) Program, at Department of Social Sciences (DSS), isang malaya at mapagpalayang hapon sa ating lahat!
Matapos ang ilang postponement dahil sa mga bagyo, sa wakas, dumating na tayo sa closing event ng ating Area Studies Week 2025 na may temang “BA Social Sciences @ 55: Kritikal at Makatuturang Agham Panlipunan para sa Bayan.” Nagkaroon tayo ng Area Studies Exhibit, Area Studies Practicum Conference, Organization of Area Studies Majors (OrgASM) Application Program: Eryamazing Race, OrgASM Career Talk: Area Studyakan, Book Talk ng mga librong “Beauty Spectacle” at “Visual Culture in the Philippines,” Commemorative Lectures, Brown Bag Session, at Book Launch ng mga librong “Jose Rizal sa Timog-Silangang Asya” at “Maestra sa Maynila.”
At ngayon nga, tinatapos ang ating extended Area Studies Week sa isa pang Book Launch na akmang-akmang kumakatawan sa ating temang “BA Social Sciences @ 55: Kritikal at Makatuturang Agham Panlipunan para sa Bayan.” Ilulunsad natin ngayon ang ika-50 taong anibersaryong edisyon ng “The Philippines: A Past Revisited” ni Renato Constantino kasama si Letizia Constantino. Ilang beses nang inilunsad ang libro—halimbawa, sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Museo El Deposito at sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), pero bakit mahalagang magkaroon din ng paglulunsad dito sa UP Manila?
Dahil dito sa UP Manila ang akademikong tahanan ni Ka Tato Constantino. Bago pa man ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dito sa UP Manila nagtapos si Ka Tato ng kanyang Bachelor of Arts. Dito rin siya naging pinakabatang Editor ng “Philippine Collegian.” Kahit nang nagkaroon na ng kampus ang UP sa Diliman, kung saan siya nakapagturo rin—sa katunayan, doon ko siya naging propesor, hindi niya nakalimutan ang UP Manila. Kabilang ang UP Manila, partikular, ang ating Department of Social Sciences (DSS), sa mga huling pinagturuan niya. Kaya mistulang pagbabalik ni Ka Tato sa kanyang akademikong tahanan ang paglulunsad-publikasyon na ito.
Sa puntong ito, nais kong pasalamatan ang Constantino Foundation at Knights of Rizal sa pagdadala ng event na ito sa UP Manila. Siyempre pa, maraming salamat kay Sir Bernard Karganilla at sa mga estudyante niya sa Area Studies Program (ASP) at Master of Management (MM) Program sa pagtataguyod ng gawaing ito. Sa Organization of Area Studies Majors (OrgASM), maraming salamat sa pagiging katuwang sa programang ito.
May ilang kuwento ako tungkol sa pagiging estudyante ni Ka Tato pero irereserba ko na lang ito sa Reaksyon ko mamaya.
Sa ngayon, nais kong pormal na buksan ang ating paglulunsad-aklat.
Muli, isang malaya at mapagpalayang hapon sa ating lahat at maraming salamat sa pakikilahok ninyo ngayong hapon.
Reaksiyon sa Panayam ni Red Constantino: Pagbabalik-tanaw sa Pananaw Pangkasaysayan ni Ka Tato Constantino
Atoy M. Navarro | UP Manila | 3 Oktubre 2025
Muli, isang malaya at mapagpalayang hapon sa ating lahat.
Maraming salamat kay Red sa kaniyang panayam na sinamahan tayong maglakbay sa iba’t ibang yugto ng kasaysayang Pilipino. Pinaalaala niya sa atin na araw-araw, pinaliligiran tayo ng kasaysayan. Gayundin, binigyang-diin niyang para harapin ang pinakamalaking hamon ng ating panahon—ang krisis sa kalamidad, mahalaga ang pagtanaw sa kasaysayan.
Para sa aking pagbabahagi ngayong hapon, magkukuwento ako sa karanasan ko bilang estudyante ni Ka Tato Constantino at ibabahagi ko ang ilang aral pangkasaysayang napulot ko sa kaniya na nabanggit na rin ni Red sa kaniyang panayam. Simulan ko na.
Hindi naman kalabisang sabihing isa sa pagkakakilanlan sa akin ang pagkakaugnay ko kay Dr. Zeus A. Salazar, ang Ama ng Bagong Kasaysayan at Pantayong Pananaw.
Ngunit taliwas sa palagay ng ilan, hindi lamang sa pantayong pananaw pinaghele ang aking kamalayang pangkasaysayan. Bago pa man ang pantayong pananaw, namulat na ako sa aktibismo (noong hayskul pa lang ako) at kinalaunan, sa makabayang historiograpiya ni Ka Tato. Nauna akong sosyalista, bago ako naging pantayo. Sa Kasaysayan 1 (Kasaysayan ng Pilipinas), General Education (GE) subject na kinuha ko bilang First Year student ng BA History sa UP Diliman noong 1992, sa ilalim ng pagtuturo ni Dr. Francis Gealogo (ngayo’y nasa Ateneo de Manila University na), “The Philippines: A Past Revisited” ang aming teksbuk. May pinabasa si Dr. Gealogo na isang artikulo tungkol sa pantayong pananaw—na sinulat ni Dr. Jaime Veneracion, at hindi ni Dr. Salazar, pero ang akda talaga ni Ka Tato ang pangunahing ginamit namin sa kabuuan ng kurso.
Dahil sa klase, labis ang naging paghanga ko kay Ka Tato kaya naman gaya ng kahit sinong bibo kid o super eager na estudyante ng Kasaysayan, ninais ko siyang makilala nang personal. Dumating ang pagkakataon noong Fourth Year/graduating student na ako ng BA History noong 1995.
Dahil nga bibo kid ako, tinapos ko ang mga sabjek ng aking 4-year course na BA History sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon. Pero dahil ako ng Chair noon ng UPD College of Social Sciences and Philosophy Student Council, hindi pa ako dapat grumadweyt. Kinailangan kong manatili pa ng isang semestre dahil dapat currently enrolled ang Student Council Chair. Pero sa halip na mag-residency na lang, para hindi masayang ang panahon, bibo kid nga, nag-enroll at nagpa-audit/sit-in ako sa mga graduate course ng Kasaysayan. Dati kasi, graduate standing OR consent of professor lang ang kailangan para makapasok sa isang graduate class—hindi na ngayon, binago ng UPD Departamento ng Kasaysayan ang kanilang patakaran matapos ang kaso ko. Ngayon, graduate standing na lang ang pwede. Pero noon pwede pa. Kaya kahit undergraduate student pa lamang ako noon, nakapasok ako sa mga graduate class dahil may consent ako ng mga propesor. Pumasok ako sa graduate class ni Dr. Salazar, ni Dr. Noel Teodoro, at syempre, ni Ka Tato. Makabuluhan ang naging klase namin sa Seminar sa Kasaysayang Pilipino. Masaya rin ito kasi malimit sa bahay ni Ka Tato sa Panay Avenue, Quezon City kami nagkaklase kaya’t nakilala ko rin si Ma’am Letty.
Sa palagay ko, kahit paano, tumatak naman ako kay Ka Tato kasi nga bibo kid, lagi akong nagpapakitang-gilas na nabasa ko ang mga sinulat niya kaya tuwang-tuwa siya sa akin kapag sa palagay niya, naintindihan ko ang mga tinuturo niya.
Noong 1996, nang nagtuturo na ako sa UP Los Baños, inatasan ako ng Chair noon ng UPLB Department of Social Sciences, ang yumaong si Prop. Dwight David A. Diestro na pangasiwaan ang isang panayam ni Ka Tato—“Ang 1896 at Kamalayang Makabansa” sa SEARCA Auditorium, UPLB, noong Nobyembre 14, 1996. Ako rin ang reaktor. Pinamagatan kong “Pagkilala sa Sarili at Pag-unlad ng Kamalayang Makabansa” ang aking reaksyon. Pero higit pa sa panayam ni Ka Tato at sa reaksyon ko, naaalala ko ito dahil sa kalbaryong dinanas ni Ka Tato sa UPLB. Mainit, sirang aircon, pinagpapawisan si Ka Tato, nahirapang huminga, akala namin aatakihin na siya sa puso. Pero sa awa ni Bathala o ninuman, bumuti ang pakiramdam niya at mahusay niyang naibahagi ang kaniyang panayam. Naaalala kong napaganda ang pagtanggap o resepsyon ng mga estudyante sa kaniyang panayam. Marami sa kanila ang hindi makapaniwalang napanood at narinig nila sa personal ang isang higante sa pag-aaral ng kasaysayang Pilipino—isang tunay na historyador ng bayan.
Hindi ko rin makalilimutan ang panayam na ito dahil ito na rin ang huling pagkakataong nakita ko nang buhay si Ka Tato. Noong Setyembre 15, 1999, pumanaw si Ka Tato.
Sa kabila ng kaniyang pagpanaw, nananatiling makabuluhan ang kaniyang mga akda. At patunay rito ang “The Philippines: A Past Revisited.” Kahit dumaan na ang 50 taon, masasabing nananatiling makatuturan pa rin ang mga pananaw pangkasaysayang nilalaman nito.
Hayaan ninyong magbanggit ako ng ilang pananaw pangkasaysayan—na binanggit din ni Red sa kaniyang panayam—na patuloy kong ginagamit sa aking mga klase:
Una, ayon nga kay Ka Tato, may pangangailangang sulatin ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa pananaw ng mga Pilipino;
Pangalawa, bukod sa pagsusulat ng kasaysayang Pilipino mula sa pananaw ng mga Pilipino, mahalaga kay Ka Tato na isulong ang kasaysayan ng sambayanang Pilipino—na tumutukoy sa hindi pinangalanang masa ng mga tao—yaong mga walang tinig sa kasaysayan, at sa puwersang panlipunang ibinunga ng kanilang sama-samang pamumuhay at pakikibaka;
Panghuli, sinasabing ang kasaysayang Pilipino ay walang iba kundi ang kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino—pakikibaka para sa kalayaan, pagbabagong panlipunan, at paglikha ng kasaysayan. Para kay Ka Tato, ang tanging paraan upang maging Pilipino ang kasaysayan ng Pilipinas ay sumulat batay sa mga pakikibaka ng sambayanan, sapagkat sa mga pakikibakang ito limilitaw kung sino ang Pilipino; Samakatwid, partisan o may kinikilingan ang iskolarsyip—partisan scholarship—sa kasaysayan—para ito sa malaya at mapagpalayang kasaysayan—para ito sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino.
Maraming salamat Ka Tato. At maraming salamat sa pagkakataong ito na muling gunitain at buhayin ang mga aral pangkasaysayan ni Ka Tato. Mabuhay ang “The Philippines: A Past Revisited”! Mabuhay si Ka Tato!
Muli, isang malaya at mapagpalayang hapon sa ating lahat!