PAANYAYA! Pagdiriwang ng ika-140 kaarawan ni G. Antonio Kabigting Abad at pagbubukas ng eksibisyong inihanda ng manunulat at mananaliksik na si Ricky Celeste Ornopia.

Sa loob ng delubyo ng kasakimang likha ng mga kawatan, sa harap ng magkabilang dagok ng krisis sa klima, at sa gitna ng dagat ng kamangmangan at pagkalimot, napapanahon ang pagdalisay sa mga pamana ni Abad sa bayan.
Pinagmamalaki ng Constantino Foundation na maging bahagi ng inisyatibo ng Mind The Gap, partikular ang paalala ni Ornopia na “tingnan ang puwang” dahil doon masisilayan ang maraming elemento ng kontra-kamalayan na lubhang kailangan ng ating lipunan sa kasalukuyan.
Inaasahan naming na umpisa lamang ito sa mahabang serye ng pagbubungkal sa natabunang nakaraan – hindi lamang pagbabalik-tanaw – at sa okasyon ng ika-13 ng Agosto, inaanyayahan naming ang lahat na dumalo sa lektura ni Ornopia at makilala muli si Antonio Kabigting Abad, ang intelektwal na, sa pamamagitan ng lapis, tinta, at makinilya – ang kanyang napusuang martilyo, asero’y patalim – ay higit na nakatulong sa paghuhulma ng lipunan at panitikang Filipino.
Nagpapasalamat kami sa College of Arts and Letters Library at Knights of Rizal-Blumentritt Chapter na kasama namin sa pagtangkilik at paggunita sa alaala ni Abad, sa pangunguna ni Ricky Celeste Ornopia at ng Mind The Gap.