
September 6, 2025 | PILIPINO Mirror |Riza Zuñiga | Book signing sa Museo El Deposito sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan. Kuha ni Riza Zuñiga
Ginunita ang “Battle of Pinaglabanan” sa Museo El Deposito sa siyudad ng San Juan, 129 taon na ang nakararaan.
Malugod na ibinahagi ni Mayor Francis Zamora ang paglilipat ng mahahalagang monumento sa Pinaglabanan. Hinimok niya ang mga nagsidalo na bisitahin ang Museo ng Katipunan, Museo El Deposito at ang tunnel system, na itinatag noong 1880 na nagsilbing imbakan ng tubig para sa Kamaynilaan.
Ang pinakasentro sa Pinaglabanan Shrine ay ang “Spirit of Pinaglabanan” nilikha ng eskultor na si Eduardo Castrillo, na kung saan tampok ang magigiting na Pilipinong lumaban sa mga Kastila, sa pamumuno ni Andres Bonifacio, kasama ang mga Pilipinong rebolusyonaryo.
Mayor Francis Zamora ng San Juan City, ibinabahagi ang mga pagbabago at paglilipat ng mga monumento sa loob ng Pinaglabanan Shrine. Kuha ni Riza Zuñiga
Kasabay nito ang pagdiriwang sa ika-50 anibersaryo ng sinulat nina Renato Constantino at Letizia Roxas Constantino noong 1975 “The Philippines: A Past Revisited.”
Ito ay isang nagsilbing reference sa mga estudyante noon na nag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas, kasama rin ang aklat nina Constantino na “The Continuing Past.”
Naiugnay sa bagong panimula ni Red Constantino, Managing Director at Chief Archivist ng Constantino Foundation, ang nararanasang Climate Crisis sa bansa, ang pagsasalaysay sa pagmamahalan ni Renato at Letizia, at ang pagtugis sa sariling pagpapasya at pagpapalayang panlipunan.
Ang paglulunsad ng aklat ay nairaos na sa Rosh Hotel Manila, Museo EL Deposito, at sa ika-5 ng Setyembre sa Polytechnic University of the Philippines, at kasunod rin ang mga siyudad ng Tacloban at Bacolod.
Kasama rin sa paglulunsad ang Commissioner ng National Historical Institute na si Francis Navarro na binigyang diin na ang kasaysayan ay hindi “neutral” at si Professor Bernard Karganilla, na nagbigay ng makabuluhang pagsasalaysay sa papel ni Renato Constantino bilang bayani sa Bataan, bilang gerilya.