Pagkatapos ng rebolusyon, hindi natapos ang rebolusyon. Pang-apat na tula sa ikaapat na araw ng EDSA, serye ng berso para sa EDSA-40, mula sa sinulat ni Ruth Elynia S. Mabanglo, dakilang makata ng bayan na, tulad ni Lacaba, Popa, at Sunico, hinahangaan ng Constantino Foundation. 

Pagkatapos ng Rebolusyon

Ruth Elynia S. Mabanglo

Walang nagbago, walang nag-iba

Sa lakad at pakay ng mga nilikha.

Naroon pa rin sa kanto ang Santol

Ang batang magsasampagita,

Inilalako ang puri at kamusmusang

Tumanda na.

Banilin pa rin ang magdidiyaryong

Kamatayang sumasabit sa mga estribo.

Sa Impong Sela, nakikipamista pa rin,

Nagrosaryo sa Edsa, natulog, kumain,

Sumilong siya noon sa tangkeng pumarada,

Hindi niya alam, siya ang bala.

Natigatig din naman tayo’y naghanda

Nang iyo’y dumating, biglang bigla.

Nagsamsam si Inay ng bigas, de-lata’t mantika,

Si Itay ay may itak at kutsilyong hinasa.

Kagat ng pawis at takot,

Naghintay ang matatanda ng balitang kasunod.

Samantala’y libu-libong mga bata

Ang umamot ng aliw at pagkaing handa.

Tapos na ang rebolusyon.

Nasaan ka na ngayon, Juan de la Cruz?

Huwad ang ngiti mong paulit-ulit na ginahasa,

Nagbabagong pilit ang paslang na diwa.

Nasalubong kita sa mga palengke,

Mukha ka ng iba’t ibang babae.

Pinisil-pisil, inamuy-amoy, biniling-biling

Ang galunggong, dilis, at iba pang bilihin

Saka malungkot na umiiling-iling,

Sinalat ang lukbutang walang kalansing.

Natanaw kita sa mga pabrika,

Pawisan ang noo’t lumutin ang mata,

Tumimpalak ang tinig at tainga

Sa singasing ng mga makina.

Naroon ka sa bukid nang ako’y pumasyal,

Libong himutok ang iniluluwal.

Di-nagbabago ang pagas na lupa,

Kumikilala’t nagpapakilala—

Ang sigaw, himutok at tuwa’y inihahataw

Sa hanging lumalason sa sumpa at dangal.

Tapos na ang rebolusyon,

Daming aklat ang dito’y natipon.

Isang aninong duguan ang gumulong sa tarmac

At marami pang tulad niya ang sumilang sa Tarlak.

Isang lider-obrero ang tumimbuwang nang Nobyembre

At pinalitan siya ng libong kadre.

Nagmartsa sa siyudad ang laksang magbubukid

Binistay sila ng mga punlong galit,

At libong tinig ang sa kanila’y sumalit

Nag-aamba ng libong panganib.

Nasaan ka na ngayon, Juan dela Cruz?

Nakikipagtawaran sa mga eleksiyon.

Isinusubasta ang dangal at pangako,

Pinagliliyab ang Bukas sa hawak na sulo.

Walang nagbabago, walang nag-iiba,

Ang lakad at pakay di pa rink ilala.

Parang sirkerong tumutulay sa alambre

Upang sa burol, may maipangkape.

Tapos na ang rebolusyon.

Dami nang plano’t pangakong natipon.

Naiinip na ang mga pari’t

Nageespiya ang mga pulis,

Nilalagas ang buhay na parang talahib.

Pumapasok pa rin ang mga bata sa eskuwela,

Habang ang mga titster, nagmamartsa.

Puno ang kasino’t patuloy ang huweteng

Kahit di-maabot ng suweldo ang bilihin.

Maano naman kung tayo’y mag-aliw,

Ang kalagayan nati’y nakababaliw.

Dinalaw kita, Juan, doon sa Konggreso,

Nadatnan kitang nagtutumbang-preso;

Ako pala ang latang binabatu-bato

Hindi ko nakilala ang sarili ko.

Ngayo’y nagsusuri ang pusong marupok,

Bakit di kita hayaang ganap na matupok?

Naglaro ka ng apoy, nasaktan, nasunog,

Inabutan lang ng kendi’y tumahang walang abog.

Tapos na ang rebolusyon.

Tiniklop na natin ang mga dahon.

Ngunit, may ulang iyo’y iniwi,

Hindi kaya daluyong ang biglang umuwi?

Ruth Elynia S. Mabanglo, Pagkatapos ng Rebolusyon, mula sa koleksyong Mga Lihim ni Pinay at Iba Pang Tula, Unang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1987, Antolohiya ng mga Piling Nagwaging Akda: Tula, Dekada 80, ed. Virgilio Almario, Benilda Santos, Ramon Sunico, p. 169-171 (Cacho Hermanos, Inc., Mandaluyong-1990)