Kapag nabasa mo itong sinulat ni Ramon C. Sunico, maiisip mong para sa kasalukuyan ang ikaapat na tula sa serye para sa EDSA40. Totoo, parang mas kailangan natin itong dasal ngayon: Nag-uumapaw ang ngitngit sa mga kawatan. Namumuo ang mga kamao at dumadalas nang naghahanap ng patalim para matigil ang pangungulimbat ng mga dorobo. Nakakayamot din ang maraming nagkikibit-balikat sa harap ng garapalang pagnanakaw.
Noong 1986, patong-patong na ang galit ng taumbayan sa diktadura dahil sa lumalawak na kahirapan sa gitna ng pangangamkam ng iilan. Abusado ang pamamahalaang bano habang ninanakawan ang kaban ng bayan. Utak alipores naman ang mga opisyal na sunod-sunuran sa mga dayuhang tinuturing nilang amo.
Nangailangan ng matinding disiplina ang marami sa mamamayang nagpunta sa EDSA: alam nilang hindi dapat gamitan ng dahas ang pabagsak na gobierno ni Marcos. Pabagsakin na ang dapat pabagsakin ngunit huwag gamitin ang matagal nang nahasang punyal. Sapagkat ang gamit sa naipong poot ng bayan ay hindi para laslasin ang leeg ng mga abusadong opisyal kundi para lansagin ang mapaniil na pamahalaan ng diktador. Umiwas si Sunico na gumamit ng mga palasak na salita at imaheng gasgas na sa literatura ng protesta. Sa halip, pinag-umpog niya ang pagsusumamo ng sandata: makaiwas sana ito sa saksakan habang nangangarap na masugatan ang kaaway.
Ang tula ni Sunico ay mula sa ʙʀᴜɪꜱᴇ, ᴀ 2-ᴛᴏɴɢᴜᴇ ᴊᴏʙ (Indio Ink, 1995). Kay Sunico ang napakagandang dibuho ng aklat ni ni Jose F. Lacaba, ang ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀʜᴏɴ ɴɢ ʟɪɢᴀʟɪɢ. #PanalanginNgPunyal #EDSA40 #TulaParaSaAlaalaNgEDSA